Wednesday, 23 August 2017

Pilipinas, Gumising Ka

Pakikiramay sa isang OFW na ninakawan Ng Pag-asa sa kanyang pagtandà

Pilipinas, gumising ka

Titigan mo ang isang eskinita sa
Kalookan. Tigmak ng luha at
Dugo. Tumagas galing sa murang
Katawan ng isang mag-aaral na ang
Tanging pananggalang ay mga katagang
'wag na po. Maawa na kayo. May test
pa ako bukas.' Isang Pangarap.
Di na maapuhap.

   Laging madilim ang kapaligiran.
   Dahil ba sa piring sa mga mata ng
   Hustisya?
   ABA! Nanlaban sya. Nakasuksok ang
   Sandata sa boxer shorts na tanging
   Suot nya katerno ng kamisetang
   Pantulog sana. At hindi lang yan. Meron
   Pang dalawang sachet ng shabu na
   Nakuha sa tabi nya. Marahil nakaipit
   Sa kilikili o sa singit kaya. Milagro. Hindi
   Nalaglag habang kaladkad ng mga
   Naglalakihang kapangyarihan na ang
   Pangalan ay BATAS na laging butás-
   Butás at baluktot kung para sa mahihirap.

   Collateral damage. Isolated case lang.
   Sabi ng palasyo.

Pilipinas, pumikit ka ulit. 'Wag mo nang
Hangarin na magising sa bangungot na
Ito. Baka pati ikaw ay maadik sa
Drogang ang ngalan ay Kapangyarihan.
Higit na lumulusaw sa pagkatao ng
Isang nilalang.